Ipinanawagan ng Department of Education (DepEd) ang pagpapaigting ng tungkulin ng mga magulang at guro sa pamamagitan ng Parent-Teacher Associations (PTAs) upang maprayoridad ang kaligtasan ng mga mag-aaral at maagapan ang insidente ng karahasan sa mga paaralan.
“Schools cannot do this alone. Parents cannot do this alone. Pananagutan nating lahat ang kaligtasan ng ating mga anak, at ang PTA ang isa sa pinakamahalagang tulay na nagdurugtong sa pamilya, paaralan, at komunidad upang mapangalagaan ang bawat mag-aaral,” saad ni DepEd Sec. Sonny Angara sa pahayag ng ahensya noong Biyernes, Hulyo 3.
Aniya pa, batay sa Omnibus PTA Guidelines sa ilalim ng DepEd Order No. 13, s. 2022, ang PTA ay nagsisilbing pormal na mekanismo na nagbibigay plataporma sa mga magulang at guro upang talakayin ang mga posibleng solusyon sa mga problema sa paaralan.
Gayundin ang pakikipag-ugnayan sa local government units (LGUs), civic organizations, at iba pang katuwang upang maisulong ang kapakanan ng mga mag-aaral at ang pagpapaunlad ng paaralan.
Dito ay hinihikayat din ni Angara ang mga paaralan na maiging gamitin ang mga pangkalahatang pagpupulong at regular na pulong ng PTA upang pag-usapan ang asal ng mga mag-aaral, matukoy ang mga nangangailangan ng karagdagang suporta, at pagtibayin ang mga programa ng positive discipline, anti-bullying, responsible digital citizenship, at mental health awareness.
“Our conversations with parents should not begin only when a problem has already occurred. The PTA gives us the opportunity to build trust, identify warning signs early, and work together before issues escalate,” ani Angara.
Upang mas mapagtibay naman ang ugnayan ng paaralan at komunidad, hiniyakat din ni Angara ang mga PTA sa mga paaralan na magdaos ng iba’t iba pang programa tulad ng seminars para sa mga magulang, values formation sessions, digital safety orientations, peer support initiatives, mga pakikipagdayalogo, at pakikipag-usap sa mga barangay, LGUs, organisasyon ng kabataan, at propesyonal sa larangan ng kalusugan.
“The strongest safeguard against violence is a community that knows its children well. When parents and teachers communicate regularly, when schools work closely with local governments and community partners, and when learners know they have trusted adults they can turn to, we create an environment where problems are addressed early and every child feels safe, supported, and valued,” saad ni Angara.
Samantala, matatandaang nauna nang ianunsyo ng DepEd noong Huwebes, Hulyo 2, ang mga paghihigpit ng mga alituntunin sa seguridad ng mga paaralan sa bansa.
Kabilang dito ang “third-level” offense o pinakamalubhang kategorya ng paglabag para sa bomb threats at pagdadala ng mga nakamamatay na armas sa loob ng paaralan, na mayroong kaparusahang pagpapataw ng kasong administratibo, non-readmission, at exclusion.
MAKI-BALITA: Bomb threats, pagdadala ng armas, ‘third-level’ offense sa bagong guidelines ng DepEd