July 13, 2026

Home BALITA National

Bomb threats, pagdadala ng armas, ‘third-level’ offense sa bagong guidelines ng DepEd

Bomb threats, pagdadala ng armas, ‘third-level’ offense sa bagong guidelines ng DepEd
Photo courtesy: DepEd (FB)

Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na sa ilalim ng mas pinaigting at pinahigpit na mga alituntunin upang tugunan ang mga paglabag sa seguridad ng mga paaralan sa bansa, ituturing nang “third-level” offense o pinakamataas at pinakamalubhang kategorya ng paglabag ang bomb threats at pagdadala ng mga nakamamatay na armas sa loob ng paaralan. 

Sa pahayag pa ng DepEd nitong Huwebes, Hulyo 2, kasama rin dito ang iba pang malalalang kaso ng hazing, pagpatay, sexual assault, pagdudulot ng malubhang pinsalang pisikal sa loob o labas ng paaralan, pagdadala ng iligal na droga at alak, at pagpapakalat ng mga mapanira o malalaswang video ng sarili, ibang kamag-aral, o mga tauhan ng paaralan. 

Ang mga mag-aaral na mapapatunayang nagkasala sa third-level offenses ay mahaharap sa mga parusang administratibo. 

Kabilang dito ang hindi na muling pagtanggap sa paaralan o non-readmission sa unang paglabag at tuluyang pagpapatalsik o exclusion dito sa ikalawang paglabag.

Sa ilalim pa nito, mandato rin sa mga paaralan ang agad na pagsangguni ng mga kaparehong kaso sa mga awtoridad at ahensyang nagpapatupad ng batas para sa kaukulang legal na aksyon. 

National

#WalangPasok: Class suspensions sa Lunes, July 13

Samantala, sa second-level offenses, sakop nito ang mga seryoso o paulit-ulit na pag-uugali na higit pa sa simpleng paglabag. 

Kabilang dito ang stalking, slight physical injuries, pagnanakaw, pananakot, at pangha-harass. 

Ang parusa rito ay aabot sa mandatoryong suspensyon sa unang paglabag, non-readmission sa ikalawang paglabag, at exclusion sa ikatlong paglabag. 

Sa first-level offenses naman, saklaw nito ang pagbibitiw ng mga bastos o masasamang salita sa loob ng paaralan, bandalismo, magulong pag-uugali, at pagpapakalat ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng kalituhan o kaguluhan. 

Ang kaparusahan dito ay written reprimand, pagpapatawag sa mga magulang, at suspensyon.