Nagkabutas-butas ang katawan ng isang lalaki na dati umanong gumagamit ng ilegal na droga matapos pagbabarilin ng dalawang armado sa gilid ng riles sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Limang tama ng bala ng baril ang ikinasawi ng biktimang si Michael Turla, 39, tricycle driver, ng 3009-G. Pilar Street, Tondo.
Dalawang hindi pa nakikilalang lalaki, isa ay armado ng caliber .38 revolver habang ang isa ay may bitbit na caliber .45 pistol, ang itinuturong nasa likod ng pamamaslang.
Sa ulat ni PO3 Michael Maraggun, ng Manila Police District (MPD)- Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 1:30 ng madaling araw nangyari ang pamamaril sa riles, sa Pilar St., Tondo.
Una rito ay namataan umano ang biktima na nakaupo malapit sa riles sa naturang lugar at maya-maya pa ay bigla na lang pinagbabaril ng mga suspek na mabilis na nagsitakas.
Ayon kay Grace Gargante, live-in partner ng biktima, nahihimbing siya sa loob ng kanilang barung-barong nang marinig ang sunud-sunod na putok ng baril at nang silipin ang pinagmulan nito ay nakitang nakahandusay na ang biktima.
Inamin naman ng pinsan ng biktima, si Sam Turla, 20, na dating gumagamit ng droga si Turla. (Mary Ann Santiago)