LUMABAS na katawa-tawa si Director General Ronald “Bato” dela Rosa, Philippine National Police (PNP) chief, sa kanyang pahayag na dapat ding imbestigahan ng Commission on Human Rights (CHR) ang pamumugot ng mga bandidong Abu Sayyaf sa mga dinudukot nilang hindi nakapagbabayad ng ransom.

Bagamat maraming netizen ang kumampi kay CPNP Bato na pawang “diehard” na tagapagtanggol ng kasalukuyang administrasyon, sa pakiwari ko’y mas matalim pa rin ang dating ng mga pagtugligsang inabot ng mga alanganin niyang “pronouncement” na kadalasan ay ginagawang katatawanan, kasabay ng pangangantiyaw na todong-todo na ang kanyang pamumulitika, gayong malayo pa ang susunod na eleksiyon.

Palagay ko, malaki ang tama nila rito dahil idolo ni CPNP Bato ‘yung dati niyang boss na naging senador matapos ding masalang sa maraming kontrobersiya noong ito ay CPNP pa, at marahil ay gusto niyang sundan ang mga yapak nito.

Ito ang banat ni CPNP Bato na nag-viral sa social media: “Sana pati ‘yung mga pinupugutan ng mga Abu Sayyaf imbestigahan din nila (CHR). Huwag silang mag-limit sa side natin.” Nagduda kasi ang CHR sa pagkasawi ni Saad Samad Kiram, alyas Abu Saad. Gaya ng dating script ng mga pulis, matapos madakip ay nakatakas umano si Kiram, sa kabila ng matinding seguridad sa Bohol bago ito napatay.

Una rito, nagpatutsadahan ang CHR at ang PNP hinggil naman sa natagpuang “secret jail” o tinanatawag kong “bahay pugo” sa loob mismo ng isang presinto sa Tundo, Maynila. Sigaw ng mga tagapagtanggol ni CPNP Bato – “Mga dilawan kasi ang mga taga-CHR kaya ang laging nasisilip ay ang mga tinatrabaho ng kapulisan!”

Bigla ko tuloy naalala ang narinig kong pagtatalo ng mga drayber ng UV, habang naghihintay ng kanilang torno sa pila sa isang terminal sa EDSA. Waring galit ‘yung isang may hawak ng tabloid at pasigaw na sinabing: “Itong si Bato parang walang alam sa mandato niya. Pinaiimbestigahan ang mga pamumugot ng Abu Sayyaf sa CHR, eh samantalang sila ang dapat na humuli sa mga bandidong ito!”

Isang batang pasahero naman ang sumagot at todo-depensa kay CPNP Bato. Totoo umanong kinakampihan ng CHR ang mga kriminal na dapat ay pinagdadampot at ikinukulong, o mas mabuti pang i-salvage na lang. Halatang nagpanting ang tenga ng drayber, kinuha ang kanyang smart phone, sabay Google sa mga salitang “PNP and CHR Mandate” saka malumanay na ipinabasa sa bata ang resulta ng kanyang pagsi-search.

“The first institution to hold jurisdiction over criminal cases is the... PNP. It’s primarily tasked to solve all kinds of crimes in the country and bring the perpetrators to justice,” malakas na binasa ng drayber, sabay ng bahagyang pagsesermon – “kapag may krimen, ang dapat mong tawagin ay ang mga pulis at hindi ang CHR, kasi ang CHR naman ang tinatawag natin kapag ‘yung inaasahang humuli sa mga kriminal at lumutas sa mga krimen ay umaabuso sa kanilang mga tungkulin…ang CHR ang pupulis sa mga tiwaling pulis. Tandaan mo ‘yan at baka masama ito sa test ninyo sa eskuwela.”

“Huwag basta maniniwala sa mga sabi-sabi, magsaliksik muna bago tanggapin ang paliwanang ng iba. Isang daliri lang ang katapat ng katotohanan sa ngayon, hijo,” ang nakangiting sabi ng drayber sa natamemeng estudyante.

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)