USAP-USAPAN ngayon sa showbiz circles ang mga bagong mukha sa showbiz na gustung-gustong mag-artista kahit wala naman daw ‘K’.
Hit and miss kasi ang uso ngayon, malay nga naman kung ‘yung sinasabing walang ‘K’ ay siya palang sisikat, lalo’t uso na ngayon ang ordinaryong mukha o hindi kagandahan at kaguwapuhan basta may talent sa pag-arte.
Pero hirit ng isang veteran columnist, “Hindi rin lahat ng may talent, sumisikat, ang dami-dami nating artista na matatagal na at magagaling umarte, pero hindi pa rin nila kayang magdala ng sariling pelikula. ’Yung iba naman, kaya nag-aartista because of their parents na akala nila kapag sikat ang parents nila, sisikat na rin sila.”
Humirit kami na may mga anak din naman ng artista na sinusuwerte rin dahil magaling umarte at nasa puso ang ginagawa, bagamat may iba talaga na kahit na anong pilit, e, waley talaga.
“Exactly, that’s what I’m talking about, like the one we knew na maski na anong pilit sa showbiz, hindi pa rin tinatanggap,”sabi ng veteran columnist.
Napunta ang usapan sa kilalang aktor na kapag hindi raw binago ang ugali ay maaaring palitan anytime ng mga bagong kinontrata ng talent management agency.
Nagulat kami sa hirit ng kilalang entertainment editor, “May ‘K’ ba? Look at the face, parang hindi na pang-millennial, though they are millenials kasi bagets pa, pero luma, ha-ha-ha. Ano gagawin nila pala, if I may ask?
Hindi na uso ‘yung style nila, eh.”
Hindi namin na-gets kung sino ang binabanggit ng kilalang entertainment editor, pero nang ibulong sa amin ay natawa na lang kami. Oo nga, parang hindi naman sila pangbida. (Reggee Bonoan)