Patay ang isang lalaki nang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang nakatayo sa harap ng tindahan sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Dead on the spot si Marlon dela Cruz, 32, helper, ng Ylaya Street, Tondo, dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Humarurot naman papatakas ang mga suspek, patungo sa direksyon ng Lakandula St.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Manila Police District (MPD)-Station 2 commander Police Supt. Arnold Thomas Ibay, dakong 3:15 ng madaling araw nangyari ang pamamaril sa tapat ng tindahan ng nobya ng biktima sa Ylaya St., kanto ng Lakandula St., Tondo.
Sumulpot umano ang mga suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima saka mabilis na tumakas.
Base sa imbestigasyon, posibleng personal na galit ang motibo sa pamamaril. (Mary Ann Santiago)