SA pagdiriwang bukas ng Araw ng mga Ina o Mothers’ Day, atubili akong makigalak sa naturang madamdaming okasyon; hindi dahil sa ayaw kong gunitain ang walang katulad na pag-aaruga ng aming ina sa aming magkakapatid; ang araw ay ginagawang gabi at ang gabi ay ginagawang araw sa paggabay sa amin mula kamusmusan hanggang sa magka-isip.

Ayaw kong alalahanin ang pagkakasakit ng aming ina na naging dahilan ng kanyang maagang kamatayan. Lalong ayaw kong gunitain ang pagkakalibing sa kanya sa isang hukay na kalaunan ay pinatungan ng nitso ng kapwa namin namatayan; hindi man lamang nagpasintabi sa mistulang pagkawawa sa libingan ng aming ina.

Noong una, natutulusan pa namin ng kandila ang puntod ng aming ina lalo na kung Araw ng mga Patay o All Souls’ Day.

Subalit nang lumaon, binakuran ang naturang nitso at ganap nang naglaho ang puntod ng aming ina. Pati ang krus na tanda ng kanyang libingan ay natabunan na rin.

Sa mistulang paglapastangan sa puntod ng aming ina, nalalantad ang kawalan ng paggalang sa kasagraduhan ng libingan.

Inilalarawan din nito ang kasumpa-sumpang kasakiman na hanggang ngayon ay naghahari sa lipunan. Pinatutunayan dito ang kapangyarihan ng salapi sa pagpapagawa ng nitso na hindi makakayanan ng mga maralitang namatayan.

Sa kabila ng tahasang pagkawawa sa libingan ng aming ina – at sa mismong aming magulang – hindi ko malilimutan ang kanyang hindi matingkalang pagpapasakit upang kami ay mabuhay; katuwang ng aming ama sa pagsasaka – pagtatanim at pag-aani ng palay, kaakibat ng paggugulayan.

Palibhasa’y nahinto na ang pag-aaral dahil sa kakapusan, nagpaalam at pinayagan naman ako ng aming ina na lumuwas sa Maynila; nagsikap upang may kaunting mapagkakitaan at upang magpatuloy ng pag-aaral.

Sa bahaging ito, tumanggap ako ng malungkot na balita tungkol sa kamatayan ng aming mahal na ina. Palibhasa’y wala namang nakahandang panggastos, hindi ako kaagad nakauwi; nakisakay na lamang sa isang kakilala. Nailibing na ang aking ina nang ako ay dumating. Hindi ko man lamang nasilayan ang kanyang bangkay – hanggang sa dumating ang pagkakataon na pati ang kanyang puntod ay hindi na namin nadadalaw sapagkat ito nga ay pinatungan ng nitso ng isang mapangahas na namatayan.

Mula noon, ipinagtutulos na lamang namin ng kandila ang aming ina sa simbahan at sa aming tahanan. Ito ang tanging paraan upang ang kanyang alaala ay manatiling nakakintal sa aming puso at isipan bilang pagkilala sa kanyang kadakilaan.