IKA-13 ngayon ng mainit at kung minsa’y maulan na buwan ng Mayo. Sa liturgical calendar ng Simbahan, natatangi at mahalaga ang araw na ito sapagkat magkasabay na ipinagdiriwang ang kapistahan at ang ika-100 anibersaryo ng pagpapakita ng Mahal na Birhen sa Fatima. Bahagi ng pagdiriwang ang pagdaraos ng misa sa mga simbahan, hindi lamang dito sa iniibig nating Pilipinas kundi sa iba’t ibang bansang Katoliko sa daigdig.

At kaninang madaling araw, may mga parokya sa Diyosesis ng Antipolo na nagdaos ng prusisyon ng imahen ng Mahal na Birhen ng Fatima na sinundan ng misa.

Ang Fatima ay isang maliit na bayan sa Portugal. Ayon sa kasaysayan, noong Mayo 13, 1917 ay nagpakita ang Mahal na Birhen sa tatlong bata na sina Lucia, Jacinta at Francisco Malto sa Cousa Velha, Fatima, Portugal.

Ang nasabing lugar ay tinatawag na Cova de Iria na pastulan ng mga tupa. Nagpakita ang Mahal na Birhen sa tatlong bata habang nagpapastol ng kanilang mga tupa. Nagkaroon ng nakasisilaw na liwanag at lumitaw ang larawan, sa ibabaw ng Oak tree, ng pinakamagandang babaeng noon lamang nakita ng tatlong bata. Ayon pa kay Lucia, ang babae ay nakasuot ng puting damit na maliwanag pa sa sikat ng araw at ang sinag ng liwanag ay higit pa sa kristal ang kislap. Sinabi ng Mahal na Birhen sa tatlong bata na huwag matakot.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Anim na beses nagpakita ang Mahal na Birhen sa tatlong bata at ito ay tuwing ika-13 araw ng bawat buwan. Nang magpakita ang Mahal na Birhen noong Hunyo 13, 1917, sinabi niya sa tatlong bata na siya ang Immaculate Heart of Mary at ugaliing magdasal ng rosaryo. Itinuro rin ng Mahal na Birhen sa tatlong bata na sa pagitan ng mga rosaryo ay dasalin ang “O, Hesus ko, patawarin Mo kami sa aming mga sala, iligtas kami sa apoy ng impiyerno lalo na yaong mga nangangailangan ng Iyong awa.”

At noong Oktubre 13, 1917, sa harap ng libu-libong tao, muling naganap ang pagpapakita, at sinabi niyang siya ang Mahal na Birhen ng Sto. Rosario. Matapos nito’y hiniling sa mga tao na magdasal ng rosaryo para sa pagbabalik-loob ng Russia na noon ay isang bansang komunista.

Sinasabing nang magpakita ang Mahal na Birhen kina Lucia, Francisco at Jacinta ay may inihayag na tatlong lihim.

Noong 1940, sinimulan na ni Lucia ang paglalathala ng kanyang mga alaala sa tatlong lihim na ibinahagi sa kanila ni Maria. Ang mga mensahe ni Maria sa mga bata ay nabatid na noong una ngunit ang tatlong lihim ay sa susunod na lamang ihahayag. Ang una sa dalawang lihim ay ang tungkol sa impiyerno at kawalan ng pananampalataya at digmaan. Ang ikatlong lihim ng Fatima ay hindi pa inihahayag hanggang sa ngayon. Ngunit bago namatay si Sister Lucia (nagmadre siya sa Kongregasyon ng mga Sisters of Dorothy) sinabi niya sa kalihim ng Congregation for the Doctrine of the Faith na wala nang lihim na hindi pa inihayag.

Ang koronasyon ng imahen ng Birhen ng Fatima bilang “Queen of the World” ay ginanap noong 1946, sa panahon ni Pope Pius Xll. Sa bawat bansa, may dambana ang Mahal na Birhen ng Fatima. Sa iniibig nating Pilipinas, ang national shrine ng Mahal na Birhen ng Fatima ay nasa Valenzuela City (dating sakop ng Bulacan). At sa kabila ng mga nangyayari sa ating bansa, patuloy na parang pintig ng puso ang pagkakaroon ng debosyon sa Mahal na Birhen na naging bahagi na ng buhay at pag-ibig ng maraming Pilipino. (Clemen Bautista)