Bagamat iginiit na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na wala itong namo-monitor na anumang partikular na banta sa Palawan, pinaigting na ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng seguridad sa lalawigan kasunod ng travel advisory na ipinalabas ng Amerika para sa mamamayan nito upang pansamantalang umiwas sa Palawan dahil sa banta ng terorismo.

Ayon sa pahayag ng US Embassy sa Maynila, nakatanggap ito ng kapani-paniwalang impormasyon na posibleng nagpaplano ang mga grupong terorista na magsagawa ng pagdukot sa mga dayuhang turista sa Palawan, partikular sa Puerto Princesa City at sa Puerto Princesa Subterranean River National Park.

“We respect the issue of a US travel advisory. We recognize that it is both an obligation and right of a sovereign state. We do that to our own nationals sojourning abroad,” saad sa pahayag kahapon ni AFP Public Affairs Office (PAO) chief Marine Col. Edgard Arevalo.

“But that doesn't mean that we are taking the report lightly although the AFP is not the source of that information made basis of the US Travel Advisory,” dagdag niya. “But whether there indeed is a threat or not, our position is we take all reports seriously, we keep our monitoring and vigilance, and are taking all precautions.”

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Gayunman, nilinaw ni Arevalo na hindi sila magdadagdag ng tropa sa Palawan sa ngayon, bagamat hinimok niya ang mga Palaweño na manatiling kalmado.

BINEBERIPIKA

Sa panig ng PNP, sinabi ng tagapagsalita nitong si Chief Supt. Dionardo Carlos na “stricter measures will be under taken while we are verifying the information”.

Matatandaang nagsimula lang din sa travel advisory ng US Embassy ang impormasyon tungkol sa posibilidad ng pagdukot sa mga dayuhan sa Central Visayas, na pinabulaanan din noon ng militar.

Gayunman, makalipas ang ilang araw ay nakumpirmang napasok ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang Inabanga sa Bohol. Walo sa mga bandido ang nasawi, kabilang ang pinuno ng grupo, habang dalawa ang pinaghahanap pa.

SERYOSOHIN

Kaugnay nito, iginiit ni Senator Panfilo Lacson na hindi dapat na balewalain ang bagong travel advisory ng Amerika.

“We should take it seriously. Past experience would tell us na pag may advisory na ganoon, it’s not just plucked from thin air, may pagbabasehan ‘yan. Meron silang intelligence. Kasi malawak din ang intelligence network, so we should really take it seriously. And I think the AFP has already been advised in this regard. And I think they are taking the necessary precautions, ani Lacson, dating PNP chief.

“When I was still heading the PNP, nangyayari ‘yan. Basta may ganyang intelligence information that needs immediate action, binibigyan agad kami ng notice o nagse-share agad ng info ang other countries, not just the US,” dagdag pa ni Lacson.

Sa hiwalay na panayam kay Police Regional Office (PRO)-4B director Chief Supt. Wilhem Mayor, sinabi niyang nagsasagawa na sila ng mga paghahanda at bineberipika na ang ulat ng Amerika.

DAYUHANG TERORISTA

Samantala, ibinunyag kahapon ni AFP chief of staff Gen. Eduardo Año, na walo hanggang 12 dayuhang terorista, na tumutulong sa mga lokal na grupong sumumpa ng alyansa sa Islamic State—gaya ng ASG at Maute terror group—ang mahigpit na mino-monitor ng gobyerno na kumikilos ngayon sa bansa.

Sinabi pa ni Año na imino-monitor din sa ngayon ng militar, lalo na sa Mindanao, ang umano’y nasa 1,000 Indonesian at Malaysian na miyembro ng IS na pabalik na sa kani-kanilang bansa.

Aniya, nakapasok sa Mindanao ang mga hinihinalang terorista sa pagdaan sa back door ng western area ng rehiyon, partikular sa may Sabah. (FRANCIS WAKEFIELD, AARON RECUENCO, FER TABOY at LEONEL ABASOLA)