SA pagkakaabsuwelto ni Janet Lim-Napoles, umano’y pork barrel mastermind, sa kasong illegal detention kay Ben Hur Luy, hindi naiwasang maghinala ng taumbayan na baka may lihim na kasunduan dito upang siya’y tumestigo laban sa mahigpit na kritiko ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na si Sen. Leila de Lima. Idadamay daw si Leila sa P10-billion pork barrel anomaly.

Tandaang sinabi noon ni PRRD (ewan kung rhetoric o pabiro) na mabuti pang magpakamatay na lang si De Lima dahil titiyakin ng Pangulo na siya ay mabulok sa bilangguan. Minsan ay kumanta pa siya ng “Killing Me Swiftly” na parang patungkol sa Senadorang may “balls.”

Hindi nawala ang galit ni Mano Digong kay Leila na nag-imbestiga sa kanya tungkol sa Davao Death Squad (DDS) noong siya pa ang alkalde. Nagtungo pa si Sen. De Lima, noon ay chairperson ng Commission on Human Rights (CHR), upang personal na mag-imbestiga. Sapul noon, hindi nakalimutan ni Mayor-President Duterte ang ginawa ni De Lima na pagtungo at pagsisiyasat sa DDS na sangkot raw siya sa pagkitil ng maraming tao.

Katwiran ng Duterte supporters, wala itong kinalaman sa pagpapawalang-sala ng Court of Appeals (CA) sa umano’y Queen of Pork Barrel (P10-billion scam). Hiwalay na sangay ng gobyerno ang korte o hudikatura. Agad nagpaliwanag si Presidential spokesman Ernesto Abella upang pawiin ang duda at “maruruming sapantaha” ng mga Pinoy sa CA acquittal ng Reyna ng Pork Barrel. “The govt is clear, there is no policy shift on how we deal with Napoles. Neither is there an agreement forged between the Duterte administration and Napoles.” Maniwala kaya ang publiko sa paliwanag na ito?

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

May kapalit na si Gina Lopez bilang Kalihim ng Dept. of Environment and Natural Resources. Siya ay si ex-AFP chief of Staff Roy Cimatu. Maraming nagtatanong kung bakit hindi nagpoprotesta ang mga grupong maka-kaliwa at akusahan si PDu30 na mini-militarize niya ang pamahalaan. Bakit noong panahon ni ex-PNoy basta may hinirang siyang ex-military man sa gabinete, kaliwa’t kanan ang batikos. Takot ba kayo sa kanya?

Sa kasaysayan ng France, ito ang pangalawang pagkakataon na naghalal sila ng bagong lider na batang-bata sa katauhan ni Emmanuel Macron na 39 na taong gulang lamang. Ang unang pinakabata ay si Emperor Napoleon Bonaparte na noon ay 35-anyos lamang. Kakaiba rin si Macron sapagkat ang kanyang ginang o magiging First Lady ay dati niyang guro at malaki ang agwat ng gulang sa kanya.

Si Macron ay 39-anyos samantalang ang kanyang ginang na si Brigitte (elegant and svelte), ex-teacher niya sa high school, ay 64-anyos. Minahal at inibig na ni Emmanuel si teacher Brigitte noong siya’y 15-anyos pa lang sa high school. Tagumpay ang May-December affair. ‘Di ba si PDu30 ay ganoon din, kaya lang baligtad? Siya ay 72-anyos samantalang si Honeylet ay mahigit lang 40-anyos. Sa showbiz, andyan din sina Vic Sotto at Paulyn Luna. Si Vic ay 63, si Paulyn ay 28, at ngayon ay buntis!

Pahabol ng kaibigan kong journalist: “May dalawang lider ngayon ang dalawang bansa na may tunog pagkain. Si US Pres. Donald Trump na ang unang pangalan ay tunog McDonald, at si France Pres. Emmanuel Macron na ang apelyido ay tunog Macaroni.” Ginutom tuloy ako! (Bert de Guzman)