Pinatay ng lalaki ang kanyang live-in partner at umano’y kalaguyo nito matapos maaktuhan sa loob ng kanilang bahay sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Inamin ni Bernardo Tolitol, 58, ang pagpatay sa kanyang kinakasama na si Marilou Bulat-ag, 41, at sa umano’y kalaguyo nitong si Junie Gulas, Jr., 27, nang mahuling nagtatalik sa kanilang bahay sa MRB Compound, Barangay Commonwealth, dakong 1:00 ng madaling araw.
Ayon sa awtoridad, si Tolitol, isang magsasaka, ay namalagi sa Bubon, Northern Samar simula noong Oktibre 2016 upang magtanim ng palay at iniwan si Bulat-ag at dalawa nilang anak sa Bgy. Commonwealth kung saan nagsisilbing tanod si Bulat-ag.
Ngunit ang walang kamalay-malay na si Tolitol, nitong Miyerkules ng umaga, ay umuwi sa kanyang asawa at nakita sa kanilang bintana si Bulat-ag na may kasiping sa kama.
Kinumpronta umano, ayon sa awtoridad, ng suspek ang dalawa at sinuntok ni Gulas si Tolitol sa mukha. Tinangka rin umanong saksakin, gamit ang gunting, ni Gulas si Tolitol.
Gayunman, naagaw umano ni Tolitol ang gunting mula kay Gulas at sinaksak ito nang paulit-ulit.
Sa pagbulagta ni Gulas, hinabol ni Tolitol si Bulat-ag at pinatay din sa saksak.
Dead on the spot ang mga biktima, ayon sa pulis.
Matapos ang insidente, isinuko ni Tolitol ang sarili sa barangay. Isinuko rin niya ang gunting na kanyang ginamit sa pananaksak.
Kasalukuyang nakakulong si Tolitol sa Quezon City Police District headquarters sa Camp Karingal at nakatakdang hampan ng kaso. (Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon)