NAGMULA sa Ingles na “globalization.” Umuugat sa salitang “global” na ang ibig sabihin ay kabuuang mundo. Una kong nawari ang globalisasyon noong 1997 mula sa mga kursong kinuha nang makumpleto ang kolehiyo upang makapagtapos ng masteral degree.

Sa payak na pagpapaliwanag, mungkahi ng naturang kaisipan ang pagpapalawak sa pananaw at pakikitungo ng isang bansa (kasama ang mamamayan), yakapin ang perspektiba ng sariling bayan bilang bahagi ng pinagsamang nayon o komunidad ng sanlibutan. Ang kasabihang, “Sakit ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan” ay hindi malayong pang-unawa sa kalatas ng global village.

Samakatuwid, sumabay dapat ang Pilipinas sa panahon at magkaroon ng ambisyon, makipagkalakalan hindi lang sa iilang tradisyunal na kaalyado, kundi sa buong mundo na ang palaruang merkado sa iba’t ibang antas ng ugnayan. Resulta rin nito, mabubuksan at apektado ang ating ekonomiya sa mga dayuhang mamumuhunan, negosyo, industriya, produkto, sukob ang pangingialam sa ating pulitika at pamahalaan.

Kung nais natin umunlad, kailangan ang diwa; mga produkto at serbisyo natin, pang “world class” na, upang manaig sa tagisan ng mga bukas na palengke sa mundo. Eto ngayon ang problema, paano tayo makikisabay sa banggaan ng ekonomiya kung magpahanggang ngayon, wala tayong programa sa “Industrialization?” Nasaan na ang ating mga pabrika na hindi lang paputok ang ginagawa, kundi, tayo mismo ang tagapatnugot ng “finished products?”

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Sa ngayon, nakakatawid tayo sa sektor agrikultura, padala ng overseas Filipino workers, mga serbisyong lokal panturista at likas-yamang (pati junkshop) nilalako sa mundo upang ibuwelta lamang ito sa ating merkado, sa mas malaking halaga. Tumpak ang aking pinangambahan noong 1997. Darating sa punto na ang bawat bayan ay kailangan dumistansiya sa globalization dahil nadedehado, at para pangalagaan ang pansariling katiwasayan sa kumakalat na iba’t ibang banta sa sang-sinakuban.

Si Donald Trump, isa sa mga makabagong kanluraning lider na unang isinusulong ang panloob na interes ng Amerika, bago ang mundo. Ito ang kamulatang kumakalat din sa France, Denmark atbp. Tayo? Matagal nang nganga at buka basta dayuhan?

Tandaan: Walang magmamahal sa Pilipino kundi kapwa Pilipino! (Erik Espina)