Sinibak kahapon sa puwesto ang hepe ng Makati City Police at ang pinuno ng Intelligence Unit ng pulisya kasunod ng pagkakaaresto sa apat na pulis na umano’y nangikil sa dalawang negosyante sa Pasay City.
Kinilala ni Counter-Intelligence Task Force (CITF) director Sr. Supt. Chiquito Malayo ang mga inarestong sina Police Officers 2 Harley Garcera y Gaton at Clarence Maynes y Nerona; Police Officers 1 Tim Galzote y Santos at Jeffrey Cañete y Pangalay, pawang nakatalaga sa Intelligence Unit ng Makati CPS.
Kasalukuyang nakakulong ang apat sa CITF Headquarters habang inihahanda ang kasong kriminal at administratibo na isasampa laban sa kanila.
Tinanggal bilang hepe ng Makati CPS si Senior Supt. Dionisio Bartolome, gayundin ang pinuno ng Intel Unit na si Chief Insp. Oscar Pagulayan dahil sa command responsibility at pansamantalang inilipat sa District Personnel Admin Holding Section ng Southern Police District (SPD).
Base sa ulat, dakong 11:00 ng gabi, nagsagawa ng entrapment operation ang mga tauhan ng CITF laban sa apat na suspek sa panulukan ng Merville Axis Road, Pasay City.
Ito ay matapos magreklamo ng isang “Mark” at kanyang kasintahan nang pasukin ng walong suspek, kabilang ang apat na pulis, ang kanilang bike shop sa Kalayaan Road, Merville, East Service Road, at humingi ng P400,000.
Pilit isinakay sa kotse ng mga suspek ang magkasintahan at inikut-ikot sa Pasong Tamo Extension sa Makati City kung saan tumawad ang mga biktima sa halagang P250,000 kapalit ng kanilang kalayaan.
Agad pinakawalan ang mga biktima matapos magbayad ng inisyal na P100,000 at nangakong kukumpletuhin ang P300,000 balanse sa susunod na araw (Mayo 9).
Nagdesisyon ang magkasintahan na humingi ng tulong sa CITF at tuluyang ikinasa ang operasyon laban sa apat na pulis.
Ayon kay Malayo, pinaghahanap na ang mga kasabwat ng apat na pulis. (BELLA GAMOTEA)