Sinalakay ng awtoridad ang sinasabing kuta ng notorious crime group na “Hi-way Boys,” na naging sanhi ng pagkamatay ng umano’y leader at pagkakaaresto sa 37 miyembro nito sa Cainta, Rizal kamakalawa.

Kinilala ni Rizal Provincial Director Police Senior Supt. Albert Ocon, ang napatay na suspek na si Orly Dequina na sinasabing responsable sa holdapan, pagbebenta ng ilegal na droga at gun-for-hire na nag-o-operate sa Rizal, Marikina City at Pasig City.

Sa ulat ng Cainta PNP, sa bisa ng search warrant, dakong 10:00 ng umaga kamakalawa ay sinalakay ng awtoridad ang lungga ng grupo sa Floodway sa Cainta.

Sa halip na sumuko, nanlaban at nakipagbarilan umano si Dequina sa mga pulis na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

National

Enrile, 'tinakot' OFWs na sasali sa protestang 'Zero Remittance Week'

Ayon kay Cainta Police chief Police Supt. Serafin Petalio II, nagsisilbi umanong drug den ang safe house ng grupo.

“Kung makikita mo ‘yung bahay, sangkaterbang rolyo ng foil, ibig sabihin ang dami na nabenta roon. Ito kasing area ng Cainta, sentro po e, puwedeng nanggaling sa Marikina, Taytay, Taguig, Pasig, kasi tri-boundary,” aniya.

Nakumpiska sa operasyon ang hindi mabatid na dami ng shabu at mga drug paraphernalia at nakatakadang sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Mary Ann Santiago)