Pinaghahanap na ng awtoridad ang isang ginang na ipinagbili, sa halagang P500, ang kanyang walong buwang gulang na anak sa Caloocan City.

Isinumbong ni Mary Joyce, ng Apolinario Samson, Bagong Barrio, Caloocan City, si Ofelia Dela Cruz, nasa hustong gulang, matapos iwan sa kanya ang sanggol at hingan ng pera.

Ayon kay Mary Joyce, nakilala niya si Dela Cruz sa Caloocan City Jail habang dinadalaw doon at nakitang karga ang sanggol na umano’y napulot niya.

At nitong Mayo 6, bandang 2:00 ng hapon, muling nagkita sina Mary Joyce at Dela Cruz sa Kaminig Foot Bridge, Bagong Barrio at pilit umanong pinaampon ni Dela Cruz ang bata kay Mary Joyce.

National

3 lugar sa PH, makararanas ng 'dangerous' heat index sa Miyerkules

Sa kagustuhang magkaanak, tinanggap ni Mary Joyce ang sanggol, ngunit makalipas ang ilang oras ay tinawagan umano siya ni Ofelia at hiningan siya ng pera.

“Tinatakot po ako…hanggang sa huli ay sinabi niya na bigyan ko na lang daw siya ng kahit P500,” kuwento ni Mary Joyce.

Dahil dito, nagtungo si Mary Joyce sa Apolinario Samson Barangay Hall at isinumbong ang suspek.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang barangay officials sa Caloocan Police upang madakip si Dela Cruz.

(Orly L. Barcala)