Apat na miyembro ng pulisya ang nasugatan makaraang masabugan ng bomba habang nagpapatrulya sa Maguindanao kahapon.

Ayon sa Maguindanao Police Provincial Office (MPPO), nangyari ang pagsabog dakong 10:45 ng umaga sa Mamasapano, Maguindanao.

Kinilala ang mga biktimang sina SPO2 Mohammad Ampatuan, PO3 Ali Ibrahim Malok, PO3 Harim Guiampala Ampatuan, at PO1 Norodin Enged Olympain.

Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya na sakay sa kanilang patrol car ang mga pulis, na pawang operatiba ng Radjah Buayan Municipal Police, at patungo sa MPPO nang biglang sumabog ang isang improvised explosive device (IED) sa harap ng palengke malapit sa Mamasapano Elementary School sa Mamasapano.

Probinsya

13-anyos na babae na hinihinalang ginahasa, natagpuang patay sa altar ng chapel

Sa lakas ng pagsabog, nasugatan at isinugod sa Maguindanao Provincial Hospital ang apat na pulis at nagtamo rin ng matinding pinsala ang kanilang sasakyan.

Ayon sa MPPO, ang IED ay gawa sa bakal, black powder, 9 volts na battery, may mga wiring at nakakabitan ng cell phone bilang triggering mechanism.

Naniniwala ang pulisya na ang pagsabog ay posibleng ganti sa mga pulis makaraang magsagawa ng drug operation sa Radjah Buayan, na ikinasawi ng isang ginang at dalawa niyang paslit na anak. (Fer Taboy)