Humingi ng paumanhin kahapon si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa, sa magkasunod na pagsabog sa Quiapo na ikinamatay ng dalawa katao at ikinasugat ng anim na iba pa nitong Sabado ng gabi.
“Sorry, may sumabog. Hindi kami naghahanap ng alibi. I am very sorry about that,” sabi ni Dela Rosa. “Nalusutan tayo.”
Ito ang pahayag ni Dela Rosa bilang reaksiyon sa mga panawagan sa PNP na magpaliwanag kung bakit nangyari ang pagsabog at sa kabila ng paulit-ulit na pag-ako ng international terror group na Islamic State na ito ang responsable sa pagsabog sa Quiapo noong Abril 28 at nitong Sabado.
Sinabi ni opisyal na maipaliliwanag nila nang maayos kung bakit nangyari ang insidente pero iginiit na ang pagsabog ay hindi terror-related at pag-atake lamang sa isang indibidwal.
Tinukoy niya ang kaso ng abogadong si Nasser Abinal, regional director ng Bureau of Internal Revenue (BIR), na aniya ay target ng pag-atake dahil ang pakete na naglalaman ng bomba ay nakapangalan dito.
Nagpatupad na ang PNP ng mga hakbanging pangseguridad upang hindi na maulit pa ang insidente, kabilang na ang regular na security check at maging ang telecom shutdown.
Pero para kay dela Rosa, ang isa sa mga hakbangin na nais din niyang mabago ay ang delivery ng package.
Kumpara sa regular na package-delivery firm, sinabi niya na sa sistema ng Grab ay walang isinasagawang inspeksiyon sa laman — na dahilan kaya ito ang ginamit ng mga suspek sa kambal na pagsabog sa Quiapo. (Aaron Recuenco)