Arestado ang apat na driver makaraan silang maaktuhang nagpa-pot session sa isang open van sa Barangay Santolan, Pasig City, nitong Linggo ng gabi.
Nakapiit at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) sina Edison Genpero, Anthony Ador Dionisio, Ponciano Hernane, at Heilmar Guibao, pawang nasa hustong gulang at residente ng lungsod.
Nahuli umano sa akto ang apat habang bumabatak ng shabu sa isang open van, dakong 9:00 ng gabi sa Pasco Avenue sa Barangay Santolan.
Nauna rito, nakatanggap ng tawag sa telepono ang mga miyembro ng Barangay Security Force (BSF) ng Barangay Santolan mula sa isang concerned citizen hinggil sa isang grupo ng mga driver na nagpa-pot session.
Kaagad na nagtungo sa lugar ang BSF at nakumpirma nila ang impormasyon kaya mabilis na inaresto ang mga suspek.
Narekober mula sa apat ang siyam na plastic sachet ng shabu at drug paraphernalia. (Mary Ann Santiago)