AYON sa kasaysayan, ang imahen ng Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay ay dinala ni Gobernador Juan Nino de Tabora sa iniibig nating Pilipinas mula sa Mexico noong Hunyo 18, 1626. Ang imahen ng Mahal na Birhen ay itinuring na patnubay ng mga manlalakbay at pinaniniwalaang nakagagawa ng mga himala. Nang mamatay ang gobernador, ang imahen ay ibinigay sa mga paring Heswita sa Intramuros, Maynila. At nang pangasiwaan ng nasabing mga pari ang mga bayan sa Distrito Politica Militar de Morong (Morong District na dating pangalan ng lalawigan ng Rizal), ang imahen ng Mahal na Birhen ay dinala sa Antipolo sa simbahan ng Barangay Sta. Cruz.
Sinasabing dalawang beses nawala ang imahen ng Mahal na Birhen at natagpuan sa isang punongkahoy na kung tawagin ay “Ang TIPOLO” o Antipolo (dito nagmula ang salitang ANTIPOLO). Dahil dito, nagpagawa ng simbahan sa pook ang mga paring Heswita at ang kapirasong kahoy ng TIPOLO ay ginawang tuntungan ng Mahal na Birhen.
Mula noong 1648 hanggang 1784, malimit dalhin ang imahen ng Mahal na Birhen sa mga paglalakbay ng mga galleon mula sa Pilipinas hanggang sa Mexico. Dahil iniligtas ng Mahal na Birhen ang mga galleon sa mga pirata at sa panganib, ang Mahal na Birhen ay tinaguriang Nuestra Senora Buenviaje y de la Paz o Our Lady of Peace and Good Voyage o Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay.
Ang koronasyon ng Mahal na Birhen ay ginanap sa Luneta noong ika-27 ng Nobyembre 1926, sa pamumuno ni Arsobispo Miguel O’ Dohetty. Ang kapistahan nito ay itinakda sa unang Martes ng Mayo. Mula noon, lumaganap na ang pagdedebosyon ng mga tao sa Mahal na Birhen ng Antipolo. Dinarayo na ng mga residente sa mga karatig-bayan at ng mga taga-lungsod.
Ang layunin nila ay humingi ng awa, magpasalamat, magnobena at tumupad sa pangakong dalawin ang Mahal na Birhen. Ang nasabing mga gawain ay kanilang tinutupad tuwing sasapit ang buwan ng Mayo. Dito na rin nagsimula na sa tuwing sasapit ang gabi ng Abril 30, naglalakad paahon sa Antipolo ang mga may panata at debosyon sa Mahal na Birhen.
Mabundok noon ang Antipolo. Hindi katulad ngayon na malaki na ang mga pagbabagong nangyari. Kinalbo na ng mga developer ang ilang bahagi ng kabundukan at nagsulputang parang kabute ang mga subdivision.
Ang pag-ahon sa Antipolo noon ang pangarap ng mga dalaga at binata, lalo na ng mga taga-lungsod. Para sa kanila, ang Antipolo ay pook ng pagkakaibigan, romansa at katuwaan. Nakabaro’t saya ang mga dalaga, kung minsan ay naka-balintawak, tuwing umaahon sa Antipolo. Sinasabing mula sa likod ng palengke ng Quiapo, sakay sa mga bangkang may katig, nilalandas ang ilog sa may San Pedro, Makati patungong Antipolo. Sa baybay-ilog, namimili sila ng iba’t ibang uri ng kakanin at prutas. At pagsapit sa Taytay, Rizal, sasakay na sila sa hamaka o duyan na pasan ng dalawa o apat katao paahon sa Antipolo. Kung walang duyan ay kabayo ang sinasakyan.
Ang mga nabanggit na paraan ng pagtungo sa Antipolo ay isa na lamang bahagi ng nakalipas. Sa ngayon, mabilis na ang pagpunta sa Antipolo. Kasabay ng ragasa ng agos ng pag-unlad ng lungsod, dumami na ang mga sasakyan. Marami nang ginawang kalsada at binuksan patungo sa Antipolo. Isa na ring tourist destination ang Hinulugang Taktak na magkatuwang na pinaganda ng pamahalaang panlalawigan at ng pamahalaang panlunsod, sa pangunguna nina Rizal Gov. Nini Ynares at Antipolo Mayor Jun Ynares. (Clemen Bautista)