Malalalim na saksak sa katawan ang ikinamatay ng isang tindera makaraang pagsasaksakin ng nagselos niyang live-in partner sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Sa harap mismo ng kanyang anak pinatay si Paloma Ortiz, 32, stay-in store keeper sa pinapasukan niyang tindahan sa 1741 Antipolo Street, sa Sta. Cruz, na sakop ng Barangay 364, Zone 34, habang kasalukuyan namang tinutugis ang suspek na si Jingoy Mecono, alyas “Tootsky”, 39, helper sa pinapasukan ng biktima at tubong Bgy. Ketangsal, Western Samar.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 9:30 ng gabi nangyari ang pananaksak sa loob ng kuwarto ng mag-live-in partner, na matatagpuan sa ikalawang palapag ng tindahan.

Una rito, sa pamamagitan ng text message ay nakikipagtransaksiyon umano si Paloma sa isang kostumer at napansin ni Mecono, na noon ay nakikipag-inuman sa kapwa niya helper, kaya siya’y sinita.

National

Enrile, 'tinakot' OFWs na sasali sa protestang 'Zero Remittance Week'

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan nina Paloma at Mecono hanggang sa kumuha ng itak, may habang 15 pulgada, ang huli at makailang beses sinaksak ang biktima.

Kumaripas palayo si Mecono nang makitang duguan ang biktima habang humingi ng tulong ang anak ni Paloma, si King na 3-anyos, sa kanilang mga kapitbahay upang isugod siya sa ospital ngunit huli na ang lahat. (Mary Ann Santiago)