Sa murang edad ay biktima na ng pang-aabuso ang isang 22 buwang gulang na babae matapos umanong gahasain ng bangag niyang kapitbahay sa Tondo, Maynila, iniulat kahapon.

Dali-daling nagtungo sa tanggapan ng Manila Police District (MPD)-Station 1 ang 16-anyos na ina ng biktima, ng GK Compound, Happy Land, Tondo, upang ireklamo si “Jun-jun”, 17, na umano’y umabuso sa kanyang anak.

Sa reklamo ng ina ng sanggol, ginahasa ni Jun-jun ang kanyang anak sa loob ng kanilang bahay nitong Huwebes, dakong 9:30 ng gabi.

Napag-alaman na binabantayan ang biktima ng kanyang lola at iniwan sandali sa loob ng kuwarto habang natutulog dahil may aasikasuhin ito sa labas.

National

De Lima, tinawag na ‘drama’ sinabi ni VP Sara na baka magaya si FPRRD kay Ninoy Aquino

Sinamantala umano ng suspek ang pag-alis ng lola at tinanggalan ng diaper ang sanggol at saka minolestiya.

Maya-maya pa’y nag-iiyak na ang sanggol kaya napasugod ang lola ng biktima at nadatnan ang suspek na papalabas sa kuwarto sabay sabing, “Si (pangalan ng sanggol), ayaw tumigil sa pag-iyak!” sabay talikod at tumalilis.

Lumipas ang isang araw bago nila nadiskubre ang pang-aabusong nangyari nang mapansing may sugat at dugo ang ari ng biktima habang pinapalitan ng diaper.

Ipinatawag ng barangay official ang suspek ngunit tumakas na umano ito at hindi na matagpuan kaya dumiretso na sa presinto ang ina ng biktima at nagsampa ng reklamo.

Kasong panggagahasa na may kinalaman sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law ang naghihintay na kaso laban sa suspek. (Mary Ann Santiago0