Nananatiling malaki ang tiwala ng mga Pilipino kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng mga batikos sa kampanya niya laban sa ilegal na droga sa bansa, base sa resulta ng bagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Base sa nationwide survey na isinagawa noong Marso 25-28 sa 1,200 respondent, napag-alaman na 80 porsiyento ng mga Pilipino ang nagtitiwala, 11% ang undecided, at 10% ang hindi lubos na nagtitiwala kay Pangulong Duterte.
Ito ang dahilan upang magtamo ng +70 trust rating ang Pangulo at ang katumbas nito ay “excellent”, ayon sa SWS.
Sinabi ng SWS na hindi ito nalalayo sa excellent +72 na nakuha ng Presidente noong Disyembre 2016.
Ipinagdiinan nito na excellent ang nakuhang trust rating ng Pangulo sa apat na magkakasunod na quarter simula nang umangat mula sa moderate +26 noong Mayo 2016.
Nasa moderate +16 naman ang nakuha ng Pangulo nang tanungin, sa unang pagkakataon, ng SWS ang mamamayan noong Disyembre 2015.
Narito ang kahulugan ng SWS terminology para sa trust ratings: +70-pataas ay “excellent”; +50 hanggang +69 “very good”; +30 hanggang +49 “good”; +10 hanggang +29 “moderate”, +9 hanggang –9 “neutral”; -10 hanggang –29 “poor”; -30 hanggang –49 “bad”, -50 hanggang –69 “very bad”; at -70 at below “execrable”.
Nananatiling excellent ang trust rating ng Pangulo sa urban areas, na mula sa +73 noong Disyembre 2016 ay naging +72 noong Marso 2017.
Bumaba ito ng tatlong puntos mula sa +71 noong Disyembre, na naging +68 noong Marso.
Umangat ang net rating ni Duterte sa hanay ng upper-to-middle classes ABC mula sa +59 noong Disyembre 2016, hanggang +75.
Hindi naman gaanong nagbago ang net rating ng Pangulo sa class D o “masa”, na mula sa +73 noong Disyembre ay naging +71 noong Marso.
Gayunman, bumaba ito sa hanay ng class E, na mula sa +72 noong Disyembre ay naging +64 noong Marso.
(ELLALYN DE VERA-RUIZ)