Halos hindi na makilala ang isang batang lalaki matapos magulungan ng kotse habang naglalaro sa gilid ng kalsada sa Valenzuela City, kahapon ng umaga.

Patay na nang isugod sa Santicimo Emergency Hospital si Aldrea Mantal, 3, ng Bai-Marissa Compound, Barangay Marulas, dahil sa matinding pinsala sa katawan.

Kusang loob namang sumuko ang suspek na si Elias de Guzman, 55, ng Buisan, Bustos Bulacan, at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting homicide.

Sa report ni PO2 Oliver Juan ng Vehicle Traffic Investigation Unit (VTIU), bandang 8:00 ng umaga, sakay si De Guzman sa kanyang Honda Civic (ZBN-703) at binabaybay ang kahabaan ng Pio Valenzuela Street, Bgy. Marulas.

FPRRD, may agam-agam umano sa Halalan 2025 ayon kay VP Sara

Pagliko ng suspek sa kanto ng Bai ay hindi umano niya napansin ang biktimang naglalaro sa gilid kalsada dahilan upang masagasaan niya ito.

Napasigaw ang mga saksi na ikinagulat ni De Guzman kaya bumaba siya mula sa kanyang sasakyan at inalam ang nangyari.

Dito na niya nakitang duguan ang biktima at dali-daling isinakay sa kanyang sasakyan at isinugod sa nasabing ospital ngunit huli na ang lahat.

Ayon kay De Guzman, sasagutin niya ang lahat ng gastusin sa libing ng biktima. (Orly L. Barcala)