Hindi na nakapalag sa awtoridad ang isang Grab Car driver, na umano’y suma-sideline na tulak ng ilegal na droga, sa ikinasang buy-bust operation sa Cubao, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Base sa imbestigasyon, nag-iikut-ikot umano si Eladio Tiburcio, habang sakay sa kanyang Toyota Vios (VK 2391), sa mga bar sa Quezon City para magbenta ng droga.
Dakong 1:00 ng madaling araw, isang pulis ang tumayong poseur-buyer ng P500 shabu sa lugar kung saan umiikot ang suspek.
Makalipas ang ilang segundo ay inabot ni Tiburcio ang shabu sa pulis at dito na siya pinosasan ng mga nakaantabay na awtoridad.
Nakuha mula kay Tiburcio ang ilang pakete ng umano’y shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P10,000, dalawang cell phone, P500 buy-bust money at pati na ang kanyang kotse.
Kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa laban kay Tiburcio. (Jun Fabon)