TRAPIK na nga ang buong Metro Manila, dumagdag trapik pa ang pagsasara ng ilang kalyeng puwede sanang gawing alternate route sa Barangay Ilang-ilang sa Quezon City dahil may taping daw si Mr. Arnold Clavio para sa programa niya, base iyon sa kuwento ng barangay tanon na nagbabantay sa mga sinarhang kalye.
Galing lang kami ng Cubao at tumawid ng P. Tuazon Street patungong ABS-CBN kahapon para sa presscon ng My Other Self nina Jodi Sta. Maria, Xian Lim at Joseph Marco pero inabot kami ng mahigit isang oras dahil salitan lang ang pagdaan ng mga sasakyan sa ginagawang kalsada.
Pasaway din itong DPWH na puwede namang gawin sa gabi hanggang madaling araw ang kalsada, pero parang nananadya pang makipagsabayan sa Friday traffic.
Paglabas namin ng P. Tuazon ay pumasok na kami sa kalyeng Barangay Ilang-ilang, pero may nakaharang na mga bakal at sabi nga ng taga-barangay, bawal dumaan kasi naghahanda para sa taping ni Arnold Clavio. So sa halip na mapadali ang ruta ng maraming nagmamadaling motorista, kinailangang bumalik at umikot ulit papunta ng Balete Drive.
Alas onse y media ng umaga nang dumaan kami at nu’ng pauwi na kami ng alas dos y media ng hapon ay ganoon pa rin ang eksena, bawal pa rin daw daanan dahil may taping si Arnold Clavio. Umikot na lang daw kami ulit sa Balete Drive.
Napapailing na lang kami sa eksena kahapon, sumabay si Arnold Clavio sa paglikha ng trapik ng government project.
(REGGEE BONOAN)