Tatlong katao ang nasawi habang dalawang iba pa ang sugatan nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek na pawang lulan sa motorsiklo, sa magkahiwalay na insidente sa Antipolo City kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawi na sina Ramil Manago, Norman Danday, at Jaymar Von Atienza, pawang nasa hustong gulang, at ang mga sugatan naman ay sina Joseph Buebo at Raymond Sique.
Sa ulat ng Antipolo Police, na pinamumunuan ni Police Supt. Ruben Andiso, dakong 11:00 ng gabi nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sina Manago, Danday at Buebo, pawang hinihinalang drug trader, sa Sitio Tanglaw, sa Barangay San Isidro.
Ayon sa pulisya, posibleng may kinalaman sa onsehan sa droga ang pamamaril ngunit iniimbestigahan pa nila ito.
Samantala, dakong 3:30 naman ng hapon nang pagbabarilin din ng riding-in-tandem sina Atienza at Sique sa Bgy. San Jose.
Nasawi noong oras ding iyon si Atienza habang isinugod naman sa ospital si Sigue at tuluyan namang tumakas ang mga suspek.
Patuloy ang imbestigasyon sa mga nasabing insidente. (Mary Ann Santiago)