Makikibahagi ang Pilipinas sa Special Association of Southeast Asian Nations-United States Foreign Ministers Meeting na pamamahalaan ni US Secretary of State Rex Tillerson sa Washington DC sa Huwebes (Biyernes sa Manila) na pangunahing pag-uusapan ang foreign policy ng Amerika sa rehiyon ng Southeast Asia.
Ang okasyon ay ang unang pagpupulong ng ASEAN foreign ministers at ni Secretary Tillerson simula nang manungkulan ang bagong administrasyon ni US President Donald Trump noong Enero.
Sinabi ni Deputy Assistant Secretary of State for Southeast Asia Patrick Murphy na kabilang din sa mga tatalakayin ang isyu sa South China Sea.
“The South China Sea issue will be addressed and talked about very frankly so that we can all continue to pursue what we hope will be the inevitable outcome, and that is peaceful resolution to these disputes,” sabi ni Murphy sa news briefing.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, si acting Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang mamumuno sa delegasyon ng Pilipinas sa espesyal na pagpupulong na inaasahang magbibigay ng pagkakataon na repasuhin ang relasyon ng ASEAN at US bukod sa pagpapalitan ng mga pananaw sa mga isyu sa rehiyon at buong mundo, at marami pang iba.
Minamarkahan nito ang ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag ng ASEAN-US dialogue relations. (Roy C. Mabasa)