SA kanyang ika-100 araw sa puwesto nitong Sabado, ipinagdiwang ito ni United States President Donald Trump sa pamamagitan ng isang rally sa piling ng kanyang masusugid na tagasuporta sa Harrisburg, Pennsylvania, habang libu-libo ang nagmartsa sa isang Earth Week rally sa Washington, DC, laban sa kanyang mga polisiya tungkol sa climate change. Binatikos niya ang mga mamamahayag sa Amerika dahil sa umano’y hindi pagbibigay ng importansiya sa kanyang mga pagtatagumpay, habang itinuloy pa rin ang tradisyunal na White House press dinner kahit wala ang nakaugalian nang panauhing pandangal nito.
Idinetalye ni Trump ang ilan sa kanyang mga pagtatagumpay sa nakalipas na 100 araw, kabilang ang pagkakakumpirma kay Supreme Court Justice Neil Gorsuch at ang pagkaunti ng mga insidente ng ilegal na pagtawid sa hangganan sa katimugan.
Ipinagkibit-balikat lang niya ang kabiguan niyang makuha ang suporta ng Kongresong nadodominahan ng mga Republican para sa kanyang Affordable Care Act at ang pagpigil ng mga korte sa kanyang pagbabawal sa pagpasok sa Amerika ng mamamayan mula sa ilang bansang Muslim. Nahaharap din siya sa problema ng pagpopondo sa plano niyang magtayo ng $1.4-billion border wall sa Mexico.
Sa polisiyang panlabas, nakipagpulong si Trump kay Chinese President Xi Jinping, at hiniling ang pamamagitan nito upang pigilan ang leader ng North Korea na si Kim Jong-Un sa paglikha ng isang nuclear warhead at missile na kayang tumbukin ang Amerika. Nagpadala si Trump ng naval strike force, sa pangunguna ng aircraft carrier na USS Carl Vinzon, na nagsasagawa ngayon ng war exercises kasama ang South Korea, malapit lang sa North Korea.
Ngunit para sa mga Pilipino, ang imbitasyon ni Trump kay Pangulong Duterte upang bisitahin siya sa White House ang pinakamalaking kaganapan sa ika-100 araw ng bagong administrasyon. Sabado ng gabi nang magbitiw ng imbitasyon si Trump sa tinawag niyang “very friendly” na pag-uusap sa telepono kasama si Duterte. Kinabukasan, kabi-kabila na ang pagdepensa ng White House sa imbitasyon nito mula sa pagtuligsa ng mga grupong nagsusulong ng karapatang pantao na kumokondena sa mga pagpatay kaugnay ng kampanya ng Pilipinas laban sa ilegal na droga.
Sinabi ng White House chief of staff na si Reince Priebus na ang imbitasyon kay Duterte ay hindi nangangahulugang hindi binibigyang-halaga ang karapatang pantao — “but it does mean that the problem of North Korea is so serious that we need cooperation with as many partners in the area as we can.” Mismong si President Trump ay nagsabi: “The Philippines, strategically, is very important to us.” Sinabi naman ng Malacañang na hindi pa tinatanggap ni Pangulong Duterte ang nasabing imbitasyon ni Trump.
Kaya naman masasabing ipinagdiwang ni President Trump ang ika-100 araw ng kanyang administrasyon sa pagharap pa rin sa hindi matapus-tapos na kontrobersiya. Masaya naman tayong maging bahagi — gaano man kaliit na bagay o negatibo man—sa mga usaping naging bahagi ng ika-100 araw ni President Trump.