ISA ang Pilipinas sa may pinakamataas na antas ng stunted children o mga batang nabansot sa Southeast Asia ayon sa Department of Health.
Sinabi ni DOH Secretary Paulyn Jean Ubial na natuklasan sa survey noong 2015 na isa sa bawat tatlong Pilipino ang nababansot o mabagal/nahinto ang paglaki.
Nagsalita sa paglulunsad ng Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) 2017-2022 sa Iloilo City nitong Miyerkules, sinabi ni Ubial na ang stunting growth ay nasa 33.4 porsiyento. Ang iba pang mga bansa sa Southeast Asian na mayroon lamang halos 20 porsiyento.
Layunin ng PPAN, ipinatutupad ng National Nutrition Council (NNC) ng DOH, na mapababa ang antas ng malnutrisyon sa mga batang Pilipino, lalo na ang pagkabansot.
Ibinunyag ni Ubial ang nutrition condition ng bansa simula nang balangkasin ang Philippine Nutrition Plan noong 1974.
Ayon kay Ubial, nabawasan ang pagkabansot mula 44.5 porsiyento noong 1989 sa 33.4 porsiyento nitong 2015.
Ang underweight rate ng mga batang Pinoy ay nasa 21.5 porsiyento nitong 2016 kumpara sa 27.3 porsiyento noong 1989.
(TARA YAP)