Kinumpirma kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagkamatay ng isa sa tatlong natitirang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na sumalakay sa Bohol noong nakaraang linggo, habang naaresto naman ang isa pa.
Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, bineberipika pa nila kung totoo ang pangalang Abu Omar, alyas Saad, ng bandidong nadakip sa Barangay Tan-awan, Tubigon, Bohol makaraang makikain sa isang residente sa lugar bandang 6:00 ng umaga kahapon.
Ayon kay SPO2 Arnold Tayabas, ng Tubigon Police, isang payat, nanghihina at kahina-hinalang lalaki ang nanghingi ng pagkain sa kanila.
Habang kumakain ang lalaki, palihim na nagsumbong ang residente kay Mario Pala, chairman ng Bgy. Tan-awan, na kaagad namang nag-report sa pulisya.
Sa interogasyon sa naaresto, sinabi niyang hindi na niya alam kung nasaan o kung ano na ang sinapit ng iba pang kapwa niya bandido sa Bohol.
Nakumpiskahan umano ng isang .45 caliber pistol, nasa kostudiya na siya ng Bohol Provincial Office.
Kasabay nito, sinabi ni Padilla na batay sa mga natanggap na report ng militar, isa pa sa mga tinutugis na Abu Sayyaf ang namatay na dahil sa mga tinamong sugat sa mga nakalipas na bakbakan.
Dahil dito, sinabi ni Padilla na isang bandido na lang ang pinaghahanap ng militar sa Bohol.
(Francis Wakefield at Beth Camia)