HINDI ako nag-iisa sa paniniwala na ang tandisang pagtutol ng Commission on Appointments (CA) kay Secretary Gina Lopez ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay mistulang kamatayan ng ating kalikasan at mga likas na kayamanan. Panlulupaypay rin ito ng matatag na determinasyon na lipulin ang mga katiwalian, pagmamalabis ng ilang lingkod ng bayan na may kasakimang hangaring dambungin ang mga minahan – mga adhikaing ipinaglalaban ng Duterte administration.
Sa tahasang pagsibak kay Lopez, sa pamamagitan ng magkakasalungat at lihim na pagboto ng mga miyembro ng CA, natitiyak ko na makapamamayagpag naman ang ilang mining industry sa paghuhukay ng ating mga kabundukan na may kaakibat na paglason sa mga ilog. Patuloy ring magdurusa ang ating mga kababayan na laging napipinsala sa walang pakundangang pagmimina sa kanilang kapaligiran na kung minsan ay nagiging dahilan ng kanilang pagkakasakit.
Ang gayong mga kapinsalaan ang natitiyak kong pinagbatayan ni Lopez upang ipasara ang mga minahan na sinasabing lumalabag sa DENR laws. Mga utos ito na inalmahan ng mismong mga may-ari ng mining industry at sinasabing kinampihan naman ng ilang kaalyado ng Duterte administration.
Kahit minsan ay hindi ko nakadaupang-palad si Lopez, subalit hindi ako nag-iisa sa paghanga sa kanyang katalinuhan, katapangan at makataong pagpapahalaga sa kapakanan ng mga nagiging biktima ng pagwasak sa kalikasan. Hindi siya natigatig sa pagpapatupad ng mga patakarang taliwas sa adhikain ng mga negosyanteng may makasariling interes – nanindigan siya hanggang sa bulwagan ng Senado.
Noon pa man ay matindi na ang aking paniniwala na si Lopez ay dadaan sa butas ng karayom, wika nga, sa pagsalang sa CA. Sinasabi na ang pasiya ng naturang grupo ay nababahiran ng pulitika sa matuwid na sila ay mga pulitiko. Hindi ba may mga... haka-haka na ang ilang pulitiko ay laging may kaagapay na mga minero at iba pang malalaking negosyante?
Nangangahulugan ba na ang ilang mambabatas ay laging tumatango sa kumpas ng kanilang mga financier?
Dahil dito, halos imposible nang tayo ay makakita ng isang opisyal na walang sinisino sa pagtupad ng isang makabuluhang misyon. Mismong si Pangulong Duterte ang nanindigan na si Lopez ay angkop na angkop sa kanyang mga mithiing lumikha ng isang malinis na gobyerno.
Marami ring kakampi si Lopez subalit higit na nakararami ang kanyang mga kalaban na walang inaalagata kundi wasakin ang kalikasan. (Celo Lagmay)