Sinabi kahapon ni Pangulong Duterte na hindi magtatagal ang suspensiyon ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairman Jose Vicente Salazar dahil kalaunan ay sisibakin din niya ito.
Ito ay makaraang mabatid na sinuspinde ng Office of the President (OP) si Salazar sa puwesto habang iniimbestigahan ang iba’t ibang kasong kinahaharap nito.
Kabilang sa mga kasong isinampa laban kay Salazar ang serious dishonesty, gross neglect of duty, at grave misconduct.
“I suspended Salazar because of corruption. I will eventually remove him, lahat sila,” sinabi ni Duterte nang magtalumpati siya sa 27th Philippine Orthopedic Association Mid-year Convention.
Tinukoy ng Pangulo ang tatlong iba pang opisyal na kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman noong nakaraang buwan.
Ang tatlo, gaya ni Salazar, ay inakusahan din sa paglagda sa mga kontrata para sa isang infomercial project nang hindi sumasailalim sa public bidding, malinaw na paglabag sa Government Procurement Reform Act and Anti-Graft at Corrupt Practices Act.
Samantala, sa memorandum na pirmado ni Executive Secretary Salvador Medialdea, itinalaga niya si ERC Commissioner Alfredo Non bilang officer-in-charge ng komisyon.
Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella kahapon na noong Mayo 2 pa nilagdaan ang 90-day preventive suspension laban kay Salazar. (Argyll Cyrus Geducos at Beth Camia)