NAKUHA na talaga ng ABS-CBN ang pulso ng masa sa Kapamilya Gold dahil nagtatala ng mataas na ratings ang Pusong Ligaw -- tulad noong Huwebes (Abril 27), nakakuha ito ng 18.5% vs 12.2% katapat nito; Biyernes (Abril 28) 17.2% vs 12.2% at nitong Lunes (Mayo 1) 17.5% vs 13.5% nationwide base sa Kantar Media Research.
More than a week pa lang umeere ang Pusong Ligaw ay tinututukan na kaagad ito ng manonood dahil maganda ang kuwento maski hindi na ito bago dahil ilang beses ng napanood ang istoryang nag-aagawan ang dalawang babaeng magkaibigan (Beauty Gonzales at Bianca King) sa iisang lalaki (Joem Bascon) na pareho nilang mahal at ang magwawagi ay ang kontrabida.
Positibo ang mga nababasa naming komento sa social media kaya nalaman naming inaabangan nila ang Pusong Ligaw pagkatapos ng It’s Showtime.
Pinupuri rin ng manonood ang mahusay na pagganap nina Beauty at Bianca bilang sina Tessa at Marga na bumagay daw sa kanilang roles na puwedeng ikumpara kina Eula Valdez at Jean Garcia na parehong bida sa unang version ng Pangako Sa ‘Yo nina Jericho Rosales at Kristine Hermosa.
“Hindi na ako magtataka kung umani rin ng parangal here and abroad sina Bianca at Beauty dahil sa galing nila sa PL,” sa post ng isang avid viewer ng Pusong Ligaw.
Inakala naming sa pagpapatawa lang magaling si Beauty lalo na sa mga impromptu adlib niya, pero magaling din pala siya sa drama. Malaking tulong siguro ang mga pinagdaanan niya kamakailan.
Drama naman ang forte ni Bianca noon pa at mahusay talaga siya, pero bakit hindi siya masyadong napapansin?
Inaabangan nang husto ang pagpasok nina Diego Loyzaga, Enzo Pineda at Sofia Andres sa kuwento. Mula sa Star Creatives ang Pusong Ligaw, sa direksiyon nina Henry Quitain, Gary Fernando at GB Sampedro. (REGGEE BONOAN)