BAGUIO CITY – Pinatay ng mga hindi nakikilalang suspek ang security guard ng isang kooperatiba bago nilooban ito sa loob ng palengke sa Baguio City nitong Martes.
Ayon sa police report, bandang 7:10 ng umaga nitong Martes nang dumating sa opisina ng Baguio Market Plaza Multipurpose Cooperative (Bamapcom) ang mga empleyadong sina Simer Arsenio Cholinas at Robert Bulatao Pacas at nakita nilang tadtad ng saksak at wala nang buhay ang security guard na si Robert Cabotutan Oficiar, 27, binata, ng T. Alonzo Street, Baguio.
Ayon sa paunang imbestigasyon, sinira ng mga suspek ang steel door at tinangay ang portable money vault na naglalaman ng P520,000, gayundin ang .38 caliber revolver ni Oficiar na may limang bala.
Pinihit din umano ng mga suspek ang mga CCTV camera sa loob at labas ng establisimyento at tinangay din ang data video recorder (DVR), ayon sa imbestigasyon. (Rizaldy Comanda)