Dahil sa tindi ng init ng panahon at siksikang selda sa Investigation Division ng Pasay City Police, hinihinalang na-heat stroke ang isa sa mga bilanggo nitong Martes ng hapon.
Kasalukuyang nagpapagaling sa Pasay City General Hospital (PCGH) si Arnel Obildo, nasa hustong gulang, may kasong attempted arson.
Base sa ulat, bandang 5:00 ng hapon hinimatay ang biktima.
Palabas na ng selda si Obildo nang biglang bumagsak at mawalan ng malay kaya tinulungan siya ng mga kapwa bilanggo na makalabas sa mala-sardinas na piitan.
Agad nilapatan ng paunang lunas ng Pasay Rescue Team si Obildo bago dinala sa naturang ospital.
Base sa record, dinampot si Obildo dahil sa kasong attempted arson at dahil walang complainant ay nakatakda na sana siyang palayain. (Bella Gamotea)