DAVAO CITY – Napatay ng mga awtoridad ang miyembro ng Abu Sayyaf na si “Bin Laden” sa Davao City sa isang engkuwentro nitong Martes.
Ayon sa Davao City Police Office (DCPO), isang bandido na kilala sa paggamit ng maraming alyas ang napatay sa bakbakan sa Barangay Magtuod sa Maa kasunod ng pagtugis na nagsimula may tatlo hanggang apat na kilometro ang layo sa lugar ng sagupaan.
Sinabi ni Senior Insp. Theresita Gaspan, tagapagsalita ng DCPO, na tumanggap sila ng intelligence information na may mga kahina-hinalang personalidad na sakay sa isang gray na Toyota Hilux pickup truck, at sa isang itim na Honda XRM motorcycle sa Bangkal.
Naabutan ng mga pulis ang dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo.
Ayon sa DCPO, pinaputukan sila ni Bin Laden kasabay ng pagkahulog nito mula sa pagkakaangkas sa tumatakbo pang motorsiklo, hanggang sa napuruhan ito ng mga pulis at namatay.
Nabatid sa report na may bitbit na improvised explosive device (IED) si Bin Laden, at sinabi ni DCPO chief Senior Supt. Alexander Tagum na ang narekober na bomba ay kapareho ng pinasabog sa Roxas Night Market noong Setyembre 2, 2016.
Sinabi ni Gaspan na tinutugis pa nila ang motorcycle rider at ang mga pasahero ng pickup truck.
Dalawa pang suspek, na may mga alyas na “Omar” at “Saqdat”, ang nasa kustodiya ng pulisya.
Nilinaw naman ni Benito de Leon, hepe ng Public Safety and Security Command Center ng Davao City, na posibleng hindi nambibiktima ang Abu Sayyaf sa siyudad kundi doon lamang dumaan.
Ipinag-utos naman ni Mayor Sara Duterte-Carpio ang pagpapaigting ng seguridad sa lungsod. (YAS D. OCAMPO)