Kusang sumuko sa militar ang isang Abu Sayyaf sub-leader na nakabase sa Panglima Estino at Pata Island sa Sulu, kasama ang isa niyang tauhan.
Kinilala ni Army Brig. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng AFP Task Force Sulu, ang sumukong ASG sub-leader na si Udon Hashim; at ang tauhan nitong si Haidal Kimar.
Sinabi ni Sobejana na sumuko si Hashim sa mga miyembro ng AFP Task Force Sulu bandang 2:00 hapon, noong Abril 27.
Ngayon lamang ipinaalam ang pagsuko ng dalawa, ayon kay Sobejana, dahil sumailalim pa ang mga ito sa tactical interrogation.
Ayon pa kay Sobejana, kusang sumuko sina Hashim at Kimar kasabay ng pag-surrender ng mga armas ng mga ito sa Barangay Jinggan, Panglima Estino, Sulu, bandang 2:00 ng hapon noong Huwebes.
Mas naging madali ang pagsuko ng dalawa dahil kay Misbar Harun, chairman ng Bgy. Jinggan, at inalalayan ng JITF at ng Naval Intelligence and Security Group-Western Mindanao.
Kabilang sa mga isinukong armas nina Hashim at Kimar ang M16 rifle, M14 rifle, apat na magazine para sa M16, tatlong magazine para sa M14, 40 bala ng M16, 27 bala ng M14 at dalawang bandolier. (Francis T. Wakefield)