bela at jericho_PLEASE CROP copy

TUNGKOL sa suwerte at kamalasan sa sugal ang pelikulang Luck at First Sight na pinagbibidahan nina Jericho Rosales at Bela Padilla.

Marami na tayong alam na kuwento tungkol sa mga sugarol na naibebenta pati mga personal na gamit. Ganito ang back story ni Joma (Jericho) sa Luck at First Sight, naremata ang bahay ng pamilya dahil sugarol ang ama. Kaya nagbabakasakali siya na mabawi ito sa pagsusugal din at nakilala niya si Diane (Bela) na nangangailangan din ng perang pampaopera sa ama (Dennis Padilla) kaya nagkasundo silang idaan sa suwerte sa sugal ang lahat.

Naniniwala si Joma na suwerte niya si Diane dahil nasalo nito ang nilalaru-larong bola na may magic, hindi agad naniwala ang dalaga, pero dahil gipit nga, nakibakasakali na rin sa usapang 50-50 ang hatian ng mapapanalunan. Si Diane din ang hahawak ng ATM card dahil may problema sa paghawak ng pera si Joma.

Human-Interest

Babaeng guro sa Batanes na 'buwis-buhay' na umaakyat sa flagpole, pinarangalan

Sinubukang tumaya nina Joma at Diane sa maliit na halaga at nanalo, kaya sinunud-sunod na nila pati sabong, perya, karera ng kabayo, at casino.

Malaki-laki na ang naiipon nila pero hindi nila ito pinaghahatian dahil gusto nilang mas lumaki pa -- pangtubos ng bahay ng pamilya ni Joma at para sa operasyon naman ng ama ni Diane bukod sa gusto ring ipagawa ang negosyong botika ng ama.

Napakahusay pa ring umarte ni Jericho kaya kahit sino pa ang leading lady ay bumabagay sa kanya. Hindi namimili ng aktres na babagayan sa pelikula o teleserye ang kalibre niya.

Kaya napakasarap panoorin nina Jericho at Bela sa Luck at First Sight dahil napakalakas ng chemistry nila. Sino ang mag-aakala na 15 years old pa lang ang aktres ay pinapanood na niya ang aktor, ‘tapos heto at sila na ang love team sa pelikula!

Kasama sa kahusayan ni Echo ang pagbibigay niya kay Bela, kaya hindi niya ito tinabunan sa mga eksenang kailangan ng matinding drama. ‘Yan ang tunay na artista, hindi insecure sa kapareha.

Anyway, sabi ni Bossing DMB, ‘heartbreaker’ ang Luck at First Sight dahil sa naihanda nang husto ng tuluy-tuloy na mga panalo ang biglang pagkakatalo ni Joma -- na naisama pati ang pera ni Diane. Hayun, pati nabubuo nilang magandang relasyon, nadamay, dahil iyon na ang pinaghiwalayan nila.

Kinailangang makabawi si Joma para maibalik sa dalaga ang perang ipinatalo niya. Muling sumugal si Joma na hindi na suwerte ang baon kundi puso at pagmamahal sa dalaga, pulso at utak laban sa mga kalaban niya, at natuto nang pumreno.

Dahil nang mabuo na niya ang sapat na halagang ibabalik kay Diane ay umayaw na siya kahit hinahamon pa siya ng kalaban niya na marami pang perang dala.

Pagkatapos nito ay hindi na muling nagsugal si Joma at humanap na ng lehitimong trabaho. Nang muli niyang makita si Bela pagkalipas ng isang taon, mahal pa rin niya ito at karapat-dapat na rin siya rito.

Konsepto ng ex-couple na sina Bela at Neil Arce ang Luck at First Sight at maganda itong maging therapy para sa mga adik sa sugal. Baka sakaling magamot sila ng realizations at insights na makukuha sa movie. Sayang nga lang at nagmadaling umalis si Neil pagkatapos ng advance screening ng Luck at First Sight sa Gateway Platinum Cinema nitong Lunes, naitanong sana namin kung may hawig ba ang kuwento ng pelikula sa relasyon nila ng aktres.

Nakakaaliw din sina Kim Molina at Cholo Barretto bilang sidekick nina Echo at Bela. Tulad ng mga nauna nang pelikula ni Direk Dan Villegas, flawless pa rin ang direksiyon at photography nito. At nasa tamang timpla at tiyempo pa rin ang humor at drama.

Nabanggit din ni Neil kay Bossing DMB na bukod sa konsepto ng pelikula ay ideya rin nila ni Bela ang lahat ng mga eksena at lugar na pinagsyutingan mula sa Joyce Bernal Productions, Viva Films at N2 Productions. Mapapanood na ito simula ngayong araw, Mayo 3.