Ni SAMUEL P. MEDENILLA

Sa kabila ng may batas nang umiiral laban dito, nabiktima pa rin ng diskriminasyon ng ilang kumpanya ang ilang senior citizen na nagbaka-sakali sa sangkatutak na alok na trabaho sa mga jobs fair na isinagawa sa iba’t ibang panig ng bansa kahapon, Labor Day.

Sinabi ni Benito Parman, isang 60-anyos na high school graduate mula sa Quezon City at isa sa mga nag-apply sa Labor Day Job Fair ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa lungsod kahapon na ilan sa mga kumpanyang nag-alok ng trabaho ay tumangging tanggapin ang kanyang aplikasyon, dahil sa kanyang edad.

“Dalawa o tatlo sa kanila (kumpanya) ang nagsabi,” sinabi ni Lolo Benito sa mga mamamahayag.

National

Ilang bahagi ng bansa, uulanin dahil sa shear line, easterlies

Masuwerte namang tinanggap ng ilang business process outsourcing (BPO) company ang kanyang aplikasyon, ngunit kailangang iproseso pa ang mga ito.

“Sinabihan nila ako na ayusin lang ang pagsasalita ko… sabi nila tatawagan na lang daw nila ako [kung tanggap ako],” kuwento ni Lolo Benito.

Nagtrabaho si Parman bilang cook sa isang oil-drilling company sa Libya bago napilitang umuwi sa bansa noong 2013 dahil sa paglala ng kaguluhan sa nasabing bansa sa North Africa.

Sa kanyang pagbabalik-bansa, nagpasya si Lolo Benito na maglagi na lang sa bahay kapiling ang kanyang pamilya. Gayunman, nabalitaan niya ang pagkakapasa ng RA 10911 o ang “Anti-Age Discrimination in Employment Act”, kaya naman nabuhayan siya ng pag-asa at nagdesisyong maghanap ng trabaho upang kahit paano ay makatulong sa mga gastusin sa bahay.

“Ang akala ko wala nang age limit [sa paghahanap ng trabaho],” sabi ni Lolo Benito.

Naniniwala si DoLE-National Capital Region (DoLE-NCR) Workers’ Welfare and Employment Promotion OIC Aurora Halcon na ang pagdami ng mga senior citizen na lumalahok sa mga Labor Day Job Fair ng kagawaran ay dahil sa pagkakapasa ng RA 10911.

“Compared to previous years, we have more senior citizens this year,” ani Halcon.

Sa press briefing, hinimok ni DoLE-NCR Director Johnson Cañete ang mga aplikanteng nakaranas ng diskriminasyong gaya ni Lolo Benito na maghain ng reklamo sa mga regional office ng kagawaran.

“We are imposing it (RA 10911) already so the important thing is the people who are affected can go to the table of DoLE and inform about these particular agency,” sabi ni Cañete.

Gayunman, aminado ang opisyal na dadaan pa sa mga kinakailangan proseso ang inirereklamong kumpanya bago ito maparusahan.

“We will not immediately penalize them because they may only need orientation...The law is very new. It is normal that some companies will not be totally oriented about it,” sabi ni Cañete.

Alinsunod sa RA 10911, hindi maaaring limitahan ng mga employer ang requirements nito sa ilalathalang anunsiyo para sa mga aplikante batay sa edad, at ang lalabag ay pagmumultahin ng P50,000 hanggang P500,000.