CEBU CITY – Isinailalim ng Department of Labor and Employment (DoLE)-Region 7 sa masusing imbestigasyon ang nasa 700 establisimyento sa Central Visayas dahil umano sa sari-saring paglabag sa labor standards.
Kabilang sa mga umano’y nilabag ng daan-daang kumpanya sa rehiyon ang labor contractualization at hindi pagpapasuweldo ng minimum, ayon kay DoLE-7 Director Elias Cayanong.
Hindi rin umano nagkaloob ang nasabing bilang ng mga kumpanya ng holiday benefits sa mga empleyado nito, at hindi rin nagre-remit ng kontribusyon sa PhilHealth, Pag-IBIG Fund, at Social Security System (SSS).
Hindi naman kaagad na pinarusahan ng DoLE-7 ang mga nasabing establisimyento, at sa halip ay binigyan ang mga ito ng pagkakataong magpatupad ng mga bagong polisiya na naaayon sa labor standards, ayon kay Cayanong.
Nasa 400 sa 700 establisimyentong iniimbestigahan ang na-audit na, ngunit hindi na ito idinetalye pa ni Cayanong dahil hindi pa natatapos ang auditing sa iba pang mga kumpanya.
Inaalam din ng DoLE-7 kung naipatutupad ba ng mga establisimyento sa Central Visayas ang Wage Order No. 20, na nagkakaloob ng P13 umento sa mga sumasahod ng minimum.
Kahapon, nasa 10,000 trabahong lokal at sa ibang bansa ang inialok sa iba’t ibang jobs fair sa Metro Cebu.
Nagdaos din ng mga jobs fair sa Cebu City Sports Center, Cebu Provincial Capitol, Hoopsdome sa Lapu-Lapu City, at SM City Cebu. (MARS W. MOSQUEDA JR.)