Ni LIEZLE BASA IÑIGO

Sinalakay ng mga pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang himpilan ng Maddela Police sa Quirino at nagkaroon ng engkuwentro na ikinasawi ng isang pulis, habang natangay din ng mga rebelde ang ilang baril sa presinto.

Nabatid na binitbit din ng mga rebelde ang dalawang pulis at dalawang patrol car sa kanilang pagtakas., bagamat kalaunan ay nabawing lahat ang mga ito.

Nabatid kay Supt. Avelino Cuntapay, public information officer ng Quirino Police, nilusob ng mga armadong rebelde ang presinto dakong 10:30 ng gabi nitong Sabado at kaagad na pinaputukan ang mga pulis.

Probinsya

Problema ng pagbaha sa Rizal, dapat pangunahan ng angkan ng Ynares at Duavit —De Guzman

Gumanti ng putok ang mga pulis ngunit hindi makumpirma kung may tinamaang rebelde ang mga ito sa bakbakang tumagal ng 45 minuto.

Naghalughog din umano ang NPA sa cabinet ng presinto at kumuha ng mga baril.

Makaraang mahakot ang mga baril ay tumakas na ang mga rebelde tangay ang dalawang patrol car ng pulisya, isang Toyota Hilux pick-up at isang Mahindra jeep, at dalawang pulis na kinilalang sina SPO1 Siriban at PO1 Albano.

Sa panayam ng Balita kay Supt. Rommel Rumbaoa, commander ng Provincial Public Safety Company (PPSC) ng Maddela, ligtas na na-rescue ng awtoridad sina SPO1 Siriban at PO1 Albano sa Barangay San Pedro sa Maddela, at kasamang nabawi ang dalawang sasakyan.

Nag-iimbentaryo naman ang pulisya sa mga baril na tinangay ng NPA.

Samantala, dead on arrival naman sa Madella District Hospital si PO2 Jerome Cardenas.

Napag-alaman ding sinunog ng mga armado ang crusher control room at dump truck ng RBI Junior Construction firm habang tumatakas mula sa Bgy. San Pedro.

May ulat ni Fer Taboy