Sisimulan na ng gobyerno sa Mayo ang programa nito para sa modernisasyon ng mga public utility vehicle (PUV) sa bansa.

Sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Anneli Lontoc na ilulunsad ng kagawaran ang PUV modernization program sa Mayo.

Aniya, sisimulan ang programa sa paglalabas ng Omnibus Franchising Guidelines (OFG) upang mapabuti ang pampublikong land transportation. Inaasahang tutugunan ng OFG ang problema sa matinding trapiko at susugpuin ang mga sasakyang kolorum.

“(It) will open up routes to franchise vehicles so we will eliminate colorum. We will provide public transport in underserved areas and rationalize the areas where there are oversupply,” ani Lontoc.

National

Clothing store, nag-sorry sa customer na pinaalis dahil sa stroller ng anak na PWD

Kaugnay nito, pinagsusumite ng DOTr ang mga lokal na pamahalaan ng kani-kanilang route plan na pagbabasehan ng mga prangkisang ipalalabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

“They (LGUs) should be able to integrate their transport plan with their land use plan. We have to provide connectivity to where the people are, where the social services are, to where the economic activities are,” sabi ni Lontoc.

Sa isang panayam, sinabi naman ni LTFRB Chief Martin Delgra III na umaasa rin ang ahensiya na magsisimula na rin ito sa pagbuo ng mga environment-friendly at mas ligtas na jeepney dahil nakuha na nila ang serbisyo ng mga lokal at pandaigdigang car manufacturer para sa programa sa modernisasyon.

Bagamat wala pang standard model para sa PUV, sinabi ni Delgra na ang mga bagong disenyo ng sasakyan ay nakatutupad sa Euro-4 standards, may speed limiter, CCTV camera at WiFi connection.

Kasabay nito, nilinaw ni Delgra na hindi magpapatupad ang LTFRB ng phase-out ng mga lumang jeep dahil ilulunsad pa lang ngayong Linggo ang financing program para ayudahan ang mga operator sa pagbili ng mga bagong PUV.

(Vanne Elaine P. Terrazola)