SOLSONA, Ilocos Norte – Nasawi ang isang lalaki na mangongolekta sana ng bubuyog, na tinatawag ding “abal-abal”, sa Mount Mabilag sa Barangay Manalpac, Solsona, Ilocos Norte.

Sa ulat ng pulisya kahapon, kinilala ang biktimang si Orlando Tejada, nasa hustong gulang, at residente sa lugar.

Ayon sa imbestigasyon, kasama ni Tejada ang walo niyang kaibigan at kaanak nang magtungo sa Mount Mabilag bandang 8:00 ng umaga nitong Miyerkules.

Batay sa ulat, dumiretso si Tejada sa ilog upang manguha ng halamang bilagot ngunit makalipas ang ilang minuto at nakita ng mga kasamahan na inaatake na ito ng mga bubuyog.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Tinangka ng mga kasamahan na tulungan si Tejada ngunit inatake rin sila ng mga bubuyog kaya nagmamadali nilang nilisan ang lugar.

Humingi sila ng tulong sa mga kabarangay ngunit nang balikan nila si Tejada ay nakalubog na ito sa ilog at wala nang buhay.

Dinala pa rin si Tejada sa Dingras District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival bandang 3:35 ng umaga nitong Huwebes. (Liezle Basa Iñigo)