Pitong pamilya ang nawalan ng tirahan habang tatlong katao ang bahagyang nasugatan, kabilang isang bumbero, sa sunog sa isang residential area sa Makati City, bago magtanghali kahapon.

Agad nilapatan ng lunas sina Raymond Tan at Allen Capria, kapwa residente sa nasabing lugar, at si Fire Officer 1 Randy Cuintas, pawang nagtamo ng minor injuries.

Sa inisyal na ulat ni Makati Fire Department, Fire chief Insp. Elbambo, ganap na 11:18 ng umaga nagsimula ang apoy sa ikalawang palapag ng bahay na pag-aari ng mag-asawang Anita at Gorgonio Santiago, sa Unidos Street, Barangay Sta. Cruz.

Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials dahilan upang umabot sa ikatlong alarma ang sunog, bandang 12:30 ng tanghali.

Kapatid ni Jay-el Maligday na pinaslang umano ng militar, nanawagan ng hustisya

Agad namang rumesponde ang mga bumbero at tuluyang naapula ang sunog, dakong 1:44 ng hapon.

Tinatayang aabot sa P500,000 ang halaga ng mga ari-ariang natupok.

Hanggang ngayon ay inaalam pa ang sanhi ng sunog. (Bella Gamotea)