Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang lalaki, hinihinalang tulak ng ilegal na droga, na nakipagbarilan sa awtoridad sa buy-bust operation sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang napatay na suspek na si Rolando Salvador, alyas “Olan”, ng 2852 Felix Huertas Street, Sta. Cruz.

Sa ulat ni PO2 Jonathan Ruiz, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 10:00 ng gabi nagpalitan ng putok ang suspek at ang awtoridad.

Una rito, ikinasa ng mga pulis, sa pangunguna ni Police Chief Inspector Marlon Mallorca, ang buy-bust operation laban sa suspek matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa ilegal na aktibidad nito.

National

Clothing store, nag-sorry sa customer na pinaalis dahil sa stroller ng anak na PWD

Tumayong poseur buyer si PO3 Allan Rich Silva at nakabili ng P500 halaga ng shabu kay Salvador.

Makalipas ang ilang segundo ay nakahalata umano si Salvador na pulis ang kanyang kaharap kaya bumunot ito ng baril at pinaputukan si Silva.

Nang maramdamang nanganganib ang kanyang buhay, tumakbo si Silva sa back-up na si SPO1 Christopher Lobrin na siyang bumaril kay Salvador.

Nakumpiska sa suspek ang isang kalibre .38 baril, pitong pakete ng umano’y shabu at P500 marked money.

(Mary Ann Santiago)