Habang isinusulat ang balitang ito, nasa kritikal na kondisyon ang isang ginang matapos saksakin ng kanyang kapitbahay dahil sa pagtatalo sa kuryente sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital si Angelita Balbeja, 49, ng Block 3 Kadima, Letre Road, Barangay Tonsuya ng nasabing lungsod, na nagtamo ng sugat sa ulo.

Arestado naman at nahaharap sa kasong frustrated homicide si Maria Amparo Tubilan, 25.

Sa report ni SPO1 Alexander dela Cruz, bandang 6:45 ng gabi, napansin ni Tubilan ang nakalaylay na kable ng kuryente ni Balbeja na tumatama sa kanyang bahay.

National

Padilla, Zubiri, pinaiimbestigahan status ng implementasyon ng amnesty proclamations ni PBBM

Hinatak ni Tubilan ang kable dahilan upang mawalan ng kuryente ang bahay ni Balbeja kaya lumabas ito upang alamin ano ang dahilan ng pagkawala ng kuryente.

Nang malaman ni Balbeja ang ginawa ni Tubilan, nagpalitan sila ng maaanghang na salita at kumuha ng patalim ang huli at sinaksak ang una.

Tinangka pa umanong tumakas ni Tubilan ngunit siya’y nakorner ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 8.

(Orly L. Barcala)