Nagpahayag ng pangamba ang ilang lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kaugnay sa iringan sa South China Sea ngunit hindi binanggit ang pagkapanalo ng Pilipinas sa kasong inihain sa arbitral tribunal sa The Hague, Netherlands.

Nakita sa burador ng Chairman’s statement na labis na nababahala ang ilang lider sa mga huling kaganapan at pagdami ng mga aktibidad sa lugar, at nangangambang lalo nitong paiinitin ang tensiyon at mawawala ang tiwala at kumpiyansa sa rehiyon.

Gayunman, hindi binanggit ang pag-aalala ng ilang lider sa land reclamation sa karagatan na binigyang-diin noong nakaraang taon sa pagtitipon ng mga lider sa Laos.

“We reaffirmed the importance of enhancing mutual trust and confidence, exercising self-restraint in the conduct of activities, avoiding actions that may further complicate the situation,” mababasa sa pahayag.

Internasyonal

Tinatayang 150 milyong bata sa buong mundo, nananatiling 'undocumented'

Idiniin din ng mga lider na mahalagang maisulong ang mapayapang resolusyon sa mga iringan, at lubusang paggalang sa legal at diplomatic processes, nang walang pagbabanta o hindi gumagamit ng puwersa, alinsunod sa pandaigdigang batas, kabilang na ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Nakasaad din sa binabalangkas na pahayag na muling pinagtitibay ng mga lider ang kahalagahan ng pagpapanatili sa kapayapaan, katatagan, seguridad, at freedom of navigation at over-flight sa South China Sea.

Iginiit din ng mga lider ang lubusan at epektibong pagpapatupad sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC).

Gayunman, maaari pang magbago ang nilalaman ng Chairman’s statement, habang nagpapatuloy ang 30th ASEAN Summit sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Sa desisyong ibinaba ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague, nakasaad na hindi balido ang pag-aangkin ng China sa pinagtatalunang karagatan batay sa kasaysayan nito, sa ilalim ng 1982 UNCLOS. Gayunman, tumanggi ang China na kilalanin ang desisyon. (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS)