May 19, 2026

Home BALITA Politics

NBI, nakahanda na sa impeachment hearing ni VP Sara sa Abril 29

NBI, nakahanda na sa impeachment hearing ni VP Sara sa Abril 29
Photo courtesy: via MB

Handa na ang National Bureau of Investigation (NBI) para sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, ayon sa pahayag ng ahensya noong Sabado, Abril 25.

Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na tututok ang kanilang testimonya sa resulta ng isinagawang imbestigasyon hinggil sa umano’y banta ni VP Sara laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr, Leyte 1st. District Rep. Martin Romualdez at First Lady Liza Marcos.

“The NBI at that time conducted an investigation on that matter, the threats that were made against President Bongbong, the First Lady (Liza Araneta-Marcos) and Speaker (then House speaker Martin Romualdez). The investigation includes those in the digital, the pronouncements on social media,” ani Matibag sa isang press conference sa Quezon City.

Aniya pa, lampas na sa internal review ang kaso matapos magsampa ang NBI ng reklamo sa National Prosecution Service ng Department of Justice (DOJ).

Ayon pa kay Matibag, magdadala sila ng mga suportang ebidensya sa pagdinig ng Kamara.

Politics

'Ang layo!' SP Allan, sinagot kung handa rin niyang protektahan si Sen. Jinggoy tulad kay Sen. Bato

Sinuri ng NBI ang dalawang posibleng paglabag sa Revised Penal Code kaugnay ng naturang mga banta, kabilang ang grave threats at inciting to sedition.

“We are treating all threats, not only to the President, as serious. These matters are immediately investigated once they reach the NBI,” dagdag pa niya.

Ipinahayag din ni Matibag na sinuri ng ahensya ang iba’t ibang aspeto ng isyu, kabilang ang counter-affidavit ng Bise Presidente at ang mga pangyayaring nakapalibot dito batay sa mga ulat at social media posts.

Kabilang ang mga opisyal ng NBI sa inimbitahan sa pagdinig ng House Justice Committee na nakatakda sa Miyerkules.

 Inaasahang magbibigay ang ahensya ng malinaw na paliwanag kung paano nito sinuri ang mga pahayag ni Duterte at ang mga ebidensyang kanilang napatunayan.