Nalagutan ng hininga ang target na drug pusher habang sugatan naman ang kinakasama nito at dalawang pulis-Maynila sa buy-bust operation na nauwi sa engkuwentro sa Sampaloc, Maynila, nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ni Manila Police District (MPD) director Police Chief Supt. Joel Napoleon Coronel ang napatay na suspek na si Ricardo Gulapa, alyas “Julius Garcia”, 51, ng No. 975 Miguelin Street, corner Florentino St., Sampaloc.

Isinugod naman sa University of Sto. Tomas Hospital ang mga sugatang pulis na sina PO2 Ronald de Pacina, na tinamaan ng bala sa kaliwang braso; at PO3 Michael Carabeo, na may tama ng bala sa tiyan, kapwa nakatalaga sa MPD-Station 4.

Inoperahan naman sa Ospital ng Maynila ang kinakasama ni Gulapa na si Myla Cruz, 45, dahil sa tama ng bala sa ibabang bahagi ng kanyang tiyan.

Padilla, binara si Castro kontra VP Sara: 'Ipagpaliban muna maduming pulitika!'

Kaugnay nito, dinampot din ang mga kaanak ng suspek na sina Jomar Garcia, 18; Ronnie Garcia, 48; at Gregorio Arce, 35, nang makialam sa operasyon.

Sa ulat ni SPO4 Ronald Gallo, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), bandang 7:30 ng gabi ikinasa ang buy-bust operation at sinalakay ng mga tauhan ni Police Senior Insp. Ariel Ilagan ang tahanan ng suspek.

Tumayong poseur buyer si PO1 Robert Guimong at matapos ang transaksiyon ay nagpakilala siyang pulis ngunit sa halip na sumuko si Gulapa ay bumunot ito ng baril at pinaputukan ang mga pulis.

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang awtoridad at pinagbabaril si Gulapa na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Narekober sa suspek ang isang .38 kalibre, .45 kalibre at anim na pakete ng umano’y shabu. (Mary Ann Santiago)