Walang batas na nagbabawal sa konstruksiyon ng kontrobersyal na Torre De Manila — na tinaguriang “Pambansang Photobomber” dahil sinisira umano nito ang sightline ng makasaysayang Rizal Monument sa Luneta sa Maynila.

Ito ang pangunahing ipinunto ng Korte Suprema sa desisyon nitong ibasura ang petisyon ng Order of Knights of Rizal (OKR) laban sa DMCI Homes, Inc. at DMCI Project Developers, Inc., pamahalaang lungsod ng Maynila, National Commission on Culture and the Arts (NCCA), National Museum, at National Historical Commission of the Philippines kaugnay ng 49-palapag na residential condominium project.

Sa botong 9-6, nanaig ang opinyong isinulat ni Senior Associate Justice Antonio Carpio at binawi ng Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO) na ipinalabas nito noong Hunyo 16, 2015.

Ayon sa Korte Suprema, wala ring huridiksyon ang Kataas-taasang Hukuman sa kaso at wala ring legal na personalidad ang mga petitioner para ihain ang kaso, o wala ito sa posisyon para maghabla.

National

Padilla, Zubiri, pinaiimbestigahan status ng implementasyon ng amnesty proclamations ni PBBM

Hindi rin umano napatunayan ng mga petitioner na dumanas ang mga ito ng “injury” sa pagtatayo sa Torre de Manila.

Sa pagbawi sa TRO, nangangahulugang maaari nang ipagpatuloy ng developer ang pagkumpleto sa condominium. - Beth Camia